Wednesday, March 5, 2008
WENA
ilang taon na nga ba?
ilang galon na kaya ng pintura ang naibuhos natin
sa ating mga kamay?
tshirt, pantalon?
ilang kaha narin ng yosi ang itinanda mo sa akin
tumigil ako, bumalik
habang patuloy ka parin
naimarka na natin ang ating pagkatao
sa hagdanan ng library
nung gabing nasipat tayo ng guwardiya
na sa dingding na nagpipintura
hindi na tayo nagkasya sa pira-pirasong katsa at karton
hindi na doon kasya ang ating mga imahenasyon
gumapang na ito sa maraming utak na ating nadapuan
napaliwanagan
gumapang sa mga mata habang nakatitig sa ating mga obra
habang natatawa o naluha sa mga itinanghal
paulit ulit na nating naiguhit
ang mensahe ng ating mga likha
naimarka natin ang ating pagkatao sa mga lansangan
recto, espana, morayta
mendiola
ilang tsinelas naba ang nawala mo dito?
naging poster pa nga ang isang picture mo
taas kamao
habang bugbog ng tubig ang mga sigaw mo
tumanda na rin tayo
kakapinta
minsan iba-ibang kulay..halo halo
pero basic parin
dilaw
bughaw
pula
ganun pa rin
pero pula ang pinaka paborito natin
higit na makulay kesa iba
higit na matapang at tumatagal
pula
sa pantalon, tshirt at kamay
sa isip salita at sa gawa
pula
kapag ito'y natupad
lahat ng kulay susunod na
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment