Hinihintay ko na naman ang kalansing ng kadena
Nakatayo sa pintuan ng aking pagsinta
Hinihintay ang bawat hakbang sa hagdan
na magbibigay silip
sa ngiti ng iyong pagdating
Hinahanap ka ng bawat kong hininga
Ng bawat pagsuyo at bawat alaala..
amoy ng buhok mo na nilalambing ang aking unan
bakas ng mga yakap na iniwan kay bulkan
mga tsinelas na parang laging may gustong puntahan
Kasama ka
Tinatawag kita sa bawat sulok nitong ating kanlungan
Nakikiusap sa bawat nakakarinig na kaibigan
silang mga hindi nakikita
subalit nararamdaman
Alagaan nila ang bawat mong hakbang
Alagaan ka at laging ipaalala
lagi akong nag aabang
sa pintuan ng pagsinta
Hindi ako nakakalimot
at walang balak lumimot
Kaya ibalik ka sa akin ng buo
o higit pa
bitbit ang mga kwento mula sa larangang
kanlungan ng bawat nating pangarap
kanlungan ng binubuo at hinuhubog na bukas
Kasama ka
nais kong pangahasang sungkitin
ang mga nakasabit na pangarap ng ating panahon
nais kong kahit kahit simbilis ng kurap
makita, hindi man ang katuparan,
kundi kahit ang pag-inog ng mga pagbabago
Mga ideyang makakahanap ng kanilang katunggali
Mga kontradiksyon na hahawan at hahabi ng daan
tungo sa isang panahon
kung saan
maari ko nang hawakan ang kamay mo
at wala nang inaalalang paglisan.
Sunday, May 27, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment