Sunday, May 27, 2007

Gusto kong humabi ng mga kataga
Na tulad ng mga patak ng ulan
nabubuo sa iisang hibla
Dumadaloy ng dahan dahan
O minsan kalimitan rumaragasa
Mapusok
Mapangahas

Gusto kong ihabi ang bawat patak
na sasaluhin ng punit punit kong bubong
o bawat patak na walang kiming
darating sa mga araw
na hinahanap kita

Sa mga araw na dapat
kasama kita

Subalit maluwag sa loob
Na ihabi ang mga ito
Na nasa malayo ka at hinahabi rin ang sarili mo

Pagkat ako rin sa ngayon
Pinagtatagpitagpi ang mga bagay
Na maghahatid sa akin bukas
At sa susunod pa

Upang kung magbibigay man ako
ng aking sarili
sayo
tagpi tagpi man
subalit buo
Hinihintay ko na naman ang kalansing ng kadena
Nakatayo sa pintuan ng aking pagsinta
Hinihintay ang bawat hakbang sa hagdan
na magbibigay silip
sa ngiti ng iyong pagdating

Hinahanap ka ng bawat kong hininga
Ng bawat pagsuyo at bawat alaala..
amoy ng buhok mo na nilalambing ang aking unan
bakas ng mga yakap na iniwan kay bulkan
mga tsinelas na parang laging may gustong puntahan

Kasama ka

Tinatawag kita sa bawat sulok nitong ating kanlungan
Nakikiusap sa bawat nakakarinig na kaibigan
silang mga hindi nakikita
subalit nararamdaman

Alagaan nila ang bawat mong hakbang
Alagaan ka at laging ipaalala
lagi akong nag aabang
sa pintuan ng pagsinta

Hindi ako nakakalimot
at walang balak lumimot

Kaya ibalik ka sa akin ng buo
o higit pa
bitbit ang mga kwento mula sa larangang
kanlungan ng bawat nating pangarap
kanlungan ng binubuo at hinuhubog na bukas

Kasama ka
nais kong pangahasang sungkitin
ang mga nakasabit na pangarap ng ating panahon
nais kong kahit kahit simbilis ng kurap
makita, hindi man ang katuparan,
kundi kahit ang pag-inog ng mga pagbabago

Mga ideyang makakahanap ng kanilang katunggali
Mga kontradiksyon na hahawan at hahabi ng daan
tungo sa isang panahon
kung saan
maari ko nang hawakan ang kamay mo
at wala nang inaalalang paglisan.
kasing linaw ng blankong pader
ng walang guhit na papel
sa dayuhang lugar
maihahalintulad ang lahat
ng karanasang dulot mo

bagong mukha
bagong mga kalsada na malimit
salisi at nawawala
subalit hatid lagi ay ngiti
isipin lang na ang dulo
ng bawat bali-balikong daan
ay ikaw

bagong mga lasa
kalagitnaan ng tamis at pait
asim at pakla
na kumukutingting
sa mga pagnanasa

mga pangarap na walang tuldok
subalit patuloy na gumuguhit
mga panaginip na nagbago
sa walang kulay na bahaghari

gaya ng paulit ulit na kanta
habang nagsusulat..
walang humpay kong babagtasin
babalikan
at uulit-ulitin
ang maraming alaala
na naipaskil mo sa aking kaluluwa

dahil ang blankong pader
at walang sulat na papel
ay puno na ng guhit
na kahit saan sundan
ay tutungo lang
sayo.
Pinaghehele kita
habang halos katabi ko ang mga bituin
habang halos abot ang mga tinitingalang kislap ng bawat isa nito
kung naririnig mo ang himig
at kung nararamdaman mo ang halik ng alipin kong hangin
ang lahat ng yan ay inutos ng pagmamahal ko sayo
hahanapin ka nya
at ipaghehele

kagaya ng paghele ko sa nananabik kong damdamin
na sana hawak ko ang kamay mo

habang nasa kawalan ng malawak na langit
na sana nakahiga akong natititigan ang iyong mukha

habang pinapatay ang oras sa isang dayuhang lugar
na sana ang bawat pitik nitong utak ay nararamdaman mo

dahil isang libo’t isang ulit kitang
iniisip
minamahal
sa bawat sandali ng
pananabik


Ramdam ko ang pagduyan
ng lulan mong hangin
at paglalakbay ng iyong diwa at pag-ibig
nasalo ko ang bawat mong halik
sinalubong ang mga yakap
at yapos ng iyong awit
nakipaglaro sa hangin
ng iyong halinghing
at sa paghupa ng paglalakbay
ay humimlay sa dibdib ng langit

sa tabi ng mga bituin ako’y pinaghele
ng bawat tibok
bawat pintig ng iyong pananabik
ramdam ko ito at walang magawa
kundi matulog ng mahimbing
at muling salubungin
ang bugso ng iyong pag-ibig.

Friday, May 11, 2007


subukan mong lumipad
sa saliw ng hangin
habang sila’y nakatingala
sa bawat mong duyan
magtiwala ka
may pakpak ang pagnanasa
sumalungat ka
sa kinagisnang kapatagan
nang lubusan pa nating maunawaan
na kayang marating
ng pagkamulat ang buwan
na walang hangganan
ang pagtatanong
at tunggalian ng pag-iisip
na hindi masama
ang sumubok
sa di pa nakikilalang ihip
at hindi iisa ang sagot
sa paglalakbay
hindi palaging paglalakad
ang pamamaraan
ang pagbagsak ay dala lamang
ng pag-aalinlangan.
o isang paraan
para tingalain ang dati nang naabot
at higitan pa
hindi naman ito ang sasagabal
sa tuloy na pag usad
mabagal man at natitisod
nababali man ang pakpak
hindi kailnman tumitigil ang agila
sa kanyang mga pangarap

Wednesday, May 9, 2007

Tuesday, May 8, 2007

pangalawang araw nang umuulan.
may kasukob na ako dapat sa ganitong panahon
hindi ko na kailangang mag antay sa isang kanto para tumila lang ang pagpatak
may magdadala na ng payong lagi para ako'y sukuban.

pero wala sya.
sa unang mga patak ng ulan.
wala kung kelan nag aagaw na ang tag araw at tag ulan
kung kelan nalilito na ang panahon sa gusto nyang ibigay
init o lamig...

lagi kitang hinahanap mahal ko
kay tagal ng bawat araw na hindi ko hawak ang kamay mo
ginawa mong posibleng umulan ng luha ang araw
ginawa mong posibleng malamig ang mga gabi
ng napakahabang tag araw

balon ang hinagpis na hindi nasasaid

bumalik ka na
ayoko nang makipaglaro sa hangin mong alala
gusto na kitang hawakan.. yapusin at hagkan.
hindi maaring isang beses lang
hindi na rin papayag na panakaw lamang

kung sasapat
gusto ko paulit ulit
araw araw
maiparamdam ko sayo na ikaw lang
ikaw lang
mahal ko

at araw araw, anuman ang ibigay ng langit
init man o luha ng hapis na sumasabay sa iyong pagkawala
at sa kinukumos kong dibdib
araw araw kitang hihintayin
at iibigin
ng iibigin
ng iibigin..