Monday, April 14, 2008

Para sa mga Babae ng Lumang Bahay sa Callejon 2


si aning.. matagal ko nang gustong gawan ng short film.. parang salitan lang ng mga kwentuhan at isyu ng mga tao sa araw araw. Maganda kasi ang mga pwedeng eksena at nakapabilog ang mga kwarto at harap sa isa't isa. Maganda kunan ang pagbukas ng mga kwarto, pagsasalamuha ng mga tao at ang ang araw araw ding pagsara ng mga pintuan bilang pagtatapos ng mga araw. Ang mga pakete ng kanilang yosi (ubo..ubo..ubo!), ang kalat na araw araw ay kaagaw ng natural na nyang ganda. At ang ilaw.. sabi nga "light enhances art".. at sa pagdating ng dapithapon, dun mo sya higit na makikilala.



Mali pala ang ating akala
na ang dingding
na gabi-gabing nakikinig sa atin
ang iipon sa ating mga kwento
Kilala rin tayo ng mga papel at lapis
na paulit ulit nating binabalikan
kapag hindi na natin maintindihan ang ating sarili
Kelangan isulat
Kelangan itala
Kelangan masala ang mga naiisip
Kung tama man o mali
Kung dapat ba o hindi

Mas kilala natin ang ating sarili
sa mga katagang iniaalay sa papel
Mas nauunawaan kung bakit lagi't lagi
kelangang magsalubong ng kilay
para bang magtatagaan
Na agad namang naaawat ng malulutong na halakhak
sa maliliit at simpleng bagay
At kung bakit sa paulit ulit na pagkakatao
Tayo ay umiibig
Makulit! Mapanlinlang subalit masidhi!
Halos hindi makahinga
Sa mga emosyong sa utak nabubuo at sa puso'y bumabara

Higit na nabibigyan natin ng kataga ang mga patlang
Sa harap ng grande at isang pakete ng yosi
Isang stick sa bawat kabanata ng buhay
Habang sumasayaw sa lamig ng gabi ang mga kanta
At umiiyak na nagsasalaysay ang kamay sa gitara

Mas nakikilala natin ang ating sarili sa isang araw na nakatulala
Sa mga anino ng dahon sa puno ng mangga
Hinihipan ng saliw ng hangin sa dapithapon
Tila bumubulong ang hanging alipin na ng mga pangarap ng panahon
At ang wika...
Mat katuparan ang mga pangarap

Ang dingding at mga papel ang makapagsasabi
Saksi sila sa pagpanday at paghubog sa atin
ng mga halakhak at luha
Hanggang sa tayo'y umabot sa huling yugto
At tahakin na ang landas na magkakahiwalay
Magpapasalamat tayo sa mga taon
Sa mga kaibigang balon ng mga alaala
Ito ang maghahatid sa atin sa panahon
Kung saan tayo pinakamaganda.

Nov2404




No comments: